Ang Copyright ng Antares Programming

Sa artikulong ito, tinatalakay ang lahat ng may kaugnayan sa copyright ng Antares Programming. Ang content ay tumutukoy sa mga akdang gaya ng artikulo, infographics, at videos. Ang mga pag-aari ng Antares Programming bilang isang brand ay ang Antares Blog (Blog), ang aming Facebook Page, at ang aming YouTube channel.

Pagse-share ng Content

Nirereserba ng Antares Programming ang lahat ng karapatan sa mga content na lumalabas dito. Inirerekomenda namin na sa halip na i-repost sa ibang platforms ang mga artikulo namin, dapata na i-share ng mga interesado ang link papunta rito. Ito ang pinakamabuting paraan para malaman ng mga tao na bukod sa artikulong gustong i-share, may iba pang mga content na puwede nilang makita.

Kahit na kadalasan ay hindi naman namin sinisita ang mga nagre-repost ng content namin sa iba pang mga site, gusto naming ipaalaala na ang pagre-repost ng content namin nang hindi kami binibigyan ng credits bilang mga original author ng mga artikulong iyon ay isang gawa ng lantarang pagnanakaw. Kapag nalaman namin ang ganitong insidente, puwede naming gamitin ang karapatan naming gumawa ng legal na mga hakbang para ipatanggal ang content namin sa nabanggit na mga platform o site kung hindi makikinig ang gumawa nito sa hanggang tatlong ulit naming pagkontak sa kanila. Subalit kung ang reposted content namin na lumilitaw sa kanilang site o platform ay may angkop na credits at, mas mabuti, mga link pabalik sa Antares Blog, ipahihintulot namin iyon.

Ang mga infographic na lumalabas sa Antares Facebook page ay sakop din ng copyright na ito. Ang mga infographic na ito ay kadalasan nang may logo ng Antares Programming at mga link pabalik sa Antares Blog, Facebook page, o YouTube channel namin. Pero kung gagawa ang ilan ng hakbang para pilit na tanggalin ang anumang tanda na pag-aari namin ang mga infographic na iyon, puwede naming gamitin ang karapatan naming gumawa ng legal na mga hakbang para ipatanggal ang content namin sa kanilang platform o site kung hindi sila makikinig sa hanggang tatlong ulit naming pagkontak sa kanila. Kung may nagnanais i-share ang mga infographics ng Antares Programming, malaya nilang magagawa iyon kahit walang credits sa amin hangga’t nakikita pa rin ang mga tanda na pag-aari namin ang mga iyon.

Pagsusulat Para sa Blog

Kung ang isa ay nagsulat ng isang artikulo na lumabas sa Antares Blog, ang content na iyon ay pagmamay-ari niya at mananatili iyong ganoon. Sa lahat ng paglitaw ng artikulo niya sa mga lugar na pag-aari namin, lilitaw ang pangalan niya na magpapakilala sa kaniya bilang author ng artikulong iyon. Magkagayunman, may karapatan ang Antares Programming na alisin sa mga pag-aari namin ang gawa niya kailanma’t naisin namin—siyempre, pagkatapos naming siyang bigyan ng pasabi. Ang mga content niya na lumabas sa Antares Programming ay nakikita namin bilang mga bagay na ipinahiram, at sa ilalim ng anumang pagkakataon ay hindi namin aangkinin ang mga ito. Malaya niyang maise-share at maire-repost ang gawa mo sa ibang platforms o site kahit walang credits sa amin.

Pero ang lahat ng mga artikulong lalabas sa Antares Blog ay kinakailangang dumaan sa isang serye ng mga pagsusuri bago ito maaprubahan. May kalayaan kaming i-edit ang mga artikulong ibinibigay sa amin para tumugma ito sa tamang estilo ng pagsulat na gusto namin para sa Blog. Wala kaming karapatang baguhin ang mensahe ng mga content na ibinibigay sa amin, at responsibilidad namin na ipakita muna sa author ng artikulo ang mga pagbabagong ginawa sa kaniyang gawa bago ito lumabas sa Blog. May karapatan din kaming tanggihan at huwag ilabas sa Blog ang mga content na ipinapadala sa amin kung hindi ito kaayon ng aming mga prinsipyo o kung hindi pumapayag ang orihinal na author na i-edit ang artikulo niya para sumunod sa estilo ng pagsulat sa Blog. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong Mga Guidelines sa Pagsulat ng Artikulo Para sa Antares Blog.

Pagpu-proofread at Pagre-research

Obligado kaming isama sa listahan ng pinasasalamatan namin ang mga tumulong sa pagpu-proofread at pagre-research. Karapatan nilang tumanggap ng pagkilala para sa gawa nila ng kabutihan. Pero ang tanging kailangan lang naming gawin ay ang banggitin ang pangalan nila. Puwede naming banggitin o hindi ang mga artikulong na-proofread nila o ni-research. Puwede naming banggitin o hindi ang dami ng tulong na naiambag nila.

Maliban sa mga iyan, wala na kaming iba pang obligasyon sa mga tumutulong. Hindi nila maaaring pilitin ang Antares Programming na gawin ang anumang taliwas sa mga prinsipyo nito, o sa mga nakalatag nitong tunguhin para sa hinaharap. Hindi rin sila maaaring maglagay ng anumang anunsiyo sa Blog o sa anumang pag-aari namin para sa layuning iharap ang sarili niya at gamiting isang publicity agent ang Antares Programming. Hindi nila maaaring pagkakitaan ang Antares Programming at ang mga pag-aari nito.

Pagbibigay ng Pinansyal na Tulong

Obligado kaming isama sa listahan ng pinasasalamatan namin ang mga nagpapadala ng pinansyal na tulong. Ang lahat ng nagnanais magpadala ng salapi bilang donasyon ay puwede lang magpadala ng hanggang sa ₱1,000.00 bawat buwan. Anumang lalagpas dito ay ibabalik namin sa nagpadala. Kapag hindi niya ito tinanggap pabalik, hindi na namin tatanggapin ang anumang ibibigay niyang donasyon sa hinaharap.

Ang mga nagbibigay ng perang donasyon ay hindi maaaring abusuhin ang kanilang espesyal na katayuan. Hindi nila maaaring pilitin ang Antares Programming na magpaskil ng anumang anunsiyo o advertisement sa alinman sa mga pag-aari nito. Hindi rin nila maaaring gamitin ang Antares Programming bilang isang publicity agent para sa personal nilang mga pakinabang. Hindi rin nila maaaring pilitin ang Antares Programming na kumilos nang taliwas sa mga prinsipyo nito, o iwan ang mga kasalukuyang nakalatag na tunguhin nito para sundan ang ibang plano na ibibigay nila kapalit ng pera.

Ang mga salaping ipinadadala sa Antares Programming ay dapat ituring na donasyon sa halip na bayad. Hindi trabaho ng Antares Programming ang anuman sa mga ginagawa nito; ang lahat ng ito resulta ng boluntaryong pagkilos mula sa pag-ibig at kabutihan sa ibang mga developer. Hindi ito dapat gawing pagkakakitaan o negosyo ng sinuman sa Antares Programming. Dapat ilaan ang mga donasyon sa budget na gagamitin sa pagbabayad ng kuryente, device, pagkain, at iba pang kinakailangan para patuloy na tumakbo ang mga gawain ng Antares Programming. Sa pagtatapos ng bawat buwan, dapat na padalhan ng Antares Programming ang bawat isang nagbigay ng donasyong pera sa buwang iyon ng isang financial report para sa mga ginawa sa buwang iyon.

Pag-sponsor sa Antares Programming

Ang mga sponsor ng Antares Programming ay maaari lang mag-sponsor ng isang artikulo, isang set ng infographics, o isang video sa YouTube channel. Obligado ang Antares Programming na gawin ang mga sumusunod:

Hindi tatanggapin ng Antares Programming ang sinumang sponsor na nagnanais maglagay ng ads sa Blog. Ang mga ads na ito ay nag-iiwan ng cookies sa browser ng mga user, na nagpapahintulot sa mga kompaniya na may-ari ng mga ads na ito na i-track ang mga mambabasa namin nang hindi nila namamalayan. Taliwas ito sa prinsipyo ng Antares Programming na protektahan ang data at privacy ng mga tumatangkilik dito.

Karagdagang Impormasyon

Ang lahat ng tanong na hindi nasagot sa artikulong ito ay puwedeng sabihin sa amin sa isang message sa aming Facebook page o sa pagse-send ng e-mail sa aming lead writer.