Ang Antares Programming

Ang Antares Programming ay isang brand na ginawa para makapaglaan ng de-kaildad na educational materials at developer resources sa wikang Filipino. Sa kasalukyang kalagayan nito, naka-focus ang Antares Programming sa Web development. Pero sa simula pa lang, tunguhin na ng Antares Programming na sakupan din ang iba pang mga platforms.

Ang Pasimula ng Antares Programming

Nagsimula ang Antares Programming noong Nobyembre 2018, nang gumawa si Francis Rubio (kasalukuyang lead writer) ng isang Facebook page para sa pagpi-freelance niya bilang isang software developer. Pero kaagad pagkatapos niyan, binago ni Rubio ang layunin ng page mula sa isang marketing strategy tungo sa isang educational venture. Matagal na kasi niyang naiisip na gumawa ng ganoong page. At dahil na rin sa tulong ng pinakamalalapít niyang mga kaibigan, dumami ang followers ng nasabing page.

Naisip ni Rubio na pangalanan ang page ng Antares Programming alinsunod na rin sa pangalang ginagamit niya noon bilang kaniyang online persona. Kilala kasi siya online bilang Johannes Gregory Antares noon. At bukod pa riyan, ang Antares ay pangalan ng kompanya ng isa sa mga kontra-bida sa American TV series na How to Get Away With Murder, ang paboritong TV series ni Rubio.

Sinundan ito ng pagbubukas ng site na ito, ang Antares Blog. Sinimulan ni Rubio ang development ng site noong Disyembre 5, 2018 gamit ang Hexo bilang kaniyang blog engine. Unang na-publish ang site noong December 6, 2018, sa ganap na 3:37 AM UTC+08.

Ang Lead Writer

Ang lead writer ng Antares Programming mula pa sa pasimula ay si Francis Rubio. Kahit na ang Antares Programming ay isang one-man team, tinatawag ni Rubio ang sarili niya bilang lead writer (na para bang may iba pa siyang kasama sa Antares Programming). Dahil kasi ito sa kagustuhan niyang ipaalam sa mga tao na kahit isa lang ang writer ng Antares Programming, bukás siya sa lahat ng posibilidad ng pakikipagtulungan para sa writing, research at proofreading.

Sa ngayon, si Francis Rubio ay nagtuturo sa isang paaralan bilang isang computer teacher.

Kung Paano Ka Puwedeng Tumulong

Bukás pa rin ang Antares Programming para sa mga gustong magbigay ng tulong. Marami kang puwedeng gawin para makatulong. Narito ang ilan:

Publicity ng Antares

Ang dugo at buhay ng Antares Programming ay ang sinabi ni Rubio noon: Hindi naman kailangan na sobrang laki ng audience. Ang mahalaga ay iyong may nakaka-appreciate. Kahit lumiit na ang audience [ng Antares Programming], hangga’t mayroong kahit isang tao na nakikinabang sa mga content na nilalabas ko, magpapatuloy ang Antares Programming.

Hindi naman kailangan na sobrang laki ng audience. Ang mahalaga ay iyong may nakaka-appreciate. Kahit lumiit na ang audience [ng Antares Programming], hangga’t mayroong kahit isang tao na nakikinabang sa mga content na nilalabas ko, magpapatuloy ang Antares Programming.

Francis Rubio, Lead Writer ng Antares Programming

Pero kahit na ganiyan ang stance ng Antares Programming, gustong-gusto pa rin naming makita ng pinakamaraming tao hangga’t posible ang pagsisikap na ito. Kung sa bagay, kahit na de-kalidad ang nilalaman, hindi iyon magiging kapaki-pakinabang kung walang nakikinabang dito. Kaya malaking tulong ang pagse-share ng mga post ng Antares Blog sa lahat ng social media sites na mayroon ka. Sabihin sa mga kaibigan mong developers na nag-e-exist ang site na ito. Sa paggawa niyan, mas marami ang puwedeng makinabang sa pagsisikap na ito.

Writing, Proofreading, at Research

Ang lead writer na si Francis Rubio ay isang Web developer. At kahit na sabihin pa nating marami siyang alam sa ibang platform gaya ng .NET, Android, at Unity game development, hindi niya kayang gumawa ng de-kalidad na content tungkol sa mga iyon. Kaya naman napakalaking tulong sa Antares Programming kung kaya mong magpahiram ng isang artikulo na puwedeng i-post sa Antares Blog. Kung interesado ka, puwede kang magpasa ng isang draft post sa e-mail address ng lead writer. Puwede ka ring magbukas ng issue sa Github repository ng Antares Blog. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong Mga Guidelines sa Pagsulat ng Artikulo para sa Antares Blog.

Bukod pa riyan, mahalaga para sa Antares Programming ang pagkakaroon ng isang madaling-maunawaan pero tumpak-sa-balarilang paraan ng pananalita. Kailangan ng Antares Programming ng isang proofreader na bihasang-bihasa sa gramatikang Filipino. Kaya kung sa tingin mo ay puwede kang makatulong sa pagpu-proofread ng mga artikulo sa Antares Blog bago ito mai-post, mag-send lang ng e-mail sa lead writer. Puwede ka ring magbukas ng issue sa Github repository ng Antares Blog kung may nakita kang maling grammar o kahit maling impormasyon.

Alam namin na napakahirap ng mga gawaing ito; ito mismo ang kinakaharap namin tuwing gagawa kami ng bagong artikulo o set ng mga infographic. Kaya naman kung puwede lang, gugustuhin naming magbigay ng kahit maliit na halaga lang para sa mga gustong tumulong. Iyon nga lang, hindi pa kaya ng Antares Programming na gawin iyan sa kasalukuyang estado nito. Ang tanging maibibigay lang nito pabalik ay credits sa mga ginawa niyong tulong. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa credits sa mga taong tumulong, tingnan ang artikulong Ang Copyright ng Antares Programming.

Financial Support

Puwede ring magpadala ng donasyon sa anyong salapi. Napakalaking tulong nito, at pasasalamatan ka ng Antares Programming. Isasama ka rin sa listahan ng mga tumutulong sa Antares Programming. Tandaan lang na ang bawat donasyon ay hindi puwedeng lumagpas sa ₱1,000.00 sa bawat beses. Tandaan din na ang pagbibigay ng donasyong pera ay hindi magbibigay sa iyo ng karapatang magsabi ng kung ano ang lalabas at hindi lalabas sa Antares Blog; walang responsibilidad ang Antares Programming na sumunod sa anumang sabihin ng mga nagdo-donate ng pera, at walang anumang bahagi ng Antares Programming ang magiging pagmamay-ari ng mga nagdo-donate ng pera. Ang tanging kapalit lamang ng inyong tulong ay ang paglitaw ng pangalan ninyo sa listahan ng mga tumulong.

Hindi rin pinapayagan ng Antares Programming ang paglalagay ng ads sa Blog. Taliwas ito sa layunin ng Antares Programming na maging isang pinagkukunan ng libreng impormasyon sa halip na maging isang entity na pinagkakakitaan ang mga user nito. Bukod pa riyan, ang mga advertisements ay nag-iiwan ng cookies sa mga users at tina-track ang mga ito. Taliwas din iyan sa prinsipyo ng Antares Programming na pagrespeto sa privacy at security ng users nito. Magkagayunman, puwedeng isaayos ang mga request sa mga nais mag-sponsor sa Antares Programming. Mag-send lang ng e-mail sa lead writer o tingnan ang subheading na Pag-sponsor sa Antares Programming sa artikulong Ang Copyright ng Antares Programming.

Pagbibigay ng mga Suggestions

Puwede ka ring magbigay ng mga suggestions (na baka o baka hindi namin sundin, depende sa kalagayan). Kung may gusto kang i-suggest, puwede kang mag-send ng message sa Facebook page ng Antares Programming o mag-send ng e-mail sa lead writer.

Conclusion

Ummasa kami na magagawa pa namin ito nang isa o higit pang taon mula ngayon. Umaasa kami na mas marami pa ang makakakita ng mga efforts na ginagawa namin. At umaasa kami na makakatulong kayo sa amin. Maraming salamat sa patuloy na pagsuporta sa Antares Programming!