Maging Safe sa Pagba-browse ng Web sites
Mas delikado na ang Internet ngayon higit kailanman. Protektahan ang sarili mo at ang privacy mo.
Napakadelikado ng Internet. Ang isa sa pinakamalaking industriya ngayon ay ang industriya ng online advertising. Isa itong anyo ng marketing na ginagawa sa Web. Noong 2017, umabot sa $83.0 billion ang revenue ng online advertising.* Pero hindi tulad ng tradisyunal na advertisements sa radyo, TV, at diyaryo, mas mapanganib ang online advertising.
Ayon sa isang report ng US Senate, may significant security, privacy risk
sa mga users ang online advertising.* Gumagana ang mga online ads sa pamamagitan ng mga Web sites na nagdi-display nito. Kasama rito ang mga popup ads, mga video ads, at mga banners sa mga sites. Karamihan sa mga ito ay dumedepende sa isang technique na tinatawag na behavioral targeting. Sa technique na ito, tina-track ng ads ang online activity ng mga user para higit na maunawaan ang behavior ng mga consumer at maibigay sa kanila ang advertisements para sa mga produktong may pinakamalaking posibilidad na pag-interesan nila. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-iiwan ng mga cookie, o mga maliliit na piraso ng data na naglalaman ng ilang impormasyon tungkol sa user. Totoo, puwede namang burahin ang lahat ng cookies mula sa lahat ng sites. Pero may mga ads na nagta-track ng MAC address sa halip na cookies. Ang MAC Address ay isang code o ID na parang plate number para sa device mo, desktop man ito, laptop, smartphone, tablet, o iba pa. Dahil dito, kahit burahin mo ang cookies, kilala ka pa rin ng online advertisers dahil sa MAC address mo.
Hindi lang ang online advertisement ang dapat mong pag-ingatan. Kung naka-log in ka sa Google account mo, ito man ay sa GMail, YouTube, Google Photos, o naka-activate ang Google account mo sa Android phone mo, tina-track ka ng Google. Gaano karami ang alam ng Google tungkol sa iyo? Lahat. As in lahat. Tingnan ang Google—My Activity. Nariyan ang lahat ng alam ng Google tungkol sa iyo—mga search mo sa Google at YouTube, mga apps na dinownload mo, mga apps na ginamit mo, at marami pang iba. Lahat ng ginagawa mo, alam ng Google.
Kung gumagamit ka rin ng Google Maps, lalo na kung gamit ang Google Chrome, ire-record ng Google ang lahat ng lokasyong tiningnan mo, ang zoom level na gamit mo, at kung gaano katagal mo iyon tiningnan. Ire-record din nito ang IP address mo, na isa pang uri ng plate number para sa device na gamit mo. Kung ginagamit mo rin ang “Sign Up with Google” sa mga apps na hindi naman pag-aari ng Google, malalaman pa rin nila ang activity mo sa app na iyon. At kung gumagamit ka ng Android device, karamihan sa mga ginagawa mo sa device mo ay kayang i-extract ng Google. At kung gumagamit ka ng Gmail, lahat ng emails, file attachments, at contacts mo ay kayang makita ng Google. Imposible!
baka maisip mo. Pero kung kaya itong gawin ng FBI na isang departamento ng gobyerno, kayang-kaya itong gawin ng isa sa pinakamalaking kompanya sa mundo. At hindi lang sila ang gumagawa nito; ginagawa rin ito ng Microsoft, Apple, at Facebook.
Paano ko mapo-protektahan ang sarili ko?
Maraming paraan, pero isa sa pinakamalaki ay ang paglipat sa isang browser na may pakialam sa iyo: ang Firefox. Okay, baka isipin mo na isa lang itong shameless plug para sa isang browser na halos walang user (10% lang ng mga Internet browser ang gumagamit nito), at in a way totoo iyan, pero may iba pa. May maraming rason para piliin ang Firefox bukod sa privacy at security.
Mas Mabilis ang Firefox Kaysa Sa Chrome
Nang magsimula ang World Wide Web, isa ang Firefox sa pinakamalalaking contenders ng Browser Wars (i-PM n’yo ako kung gusto n’yong ikuwento ko rin ‘to dahil super interesting ito), at may panahon na Firefox lang at Internet Explorer ang browsers na ginagamit ng mga tao (may iba rin siyempre, pero hindi gaanong kilala ang mga iyon). Pero nagsimulang bumagal ang Firefox, at noong 2008, ni-release ng Google ang Chrome, isang browser na di-hamak na mas mabilis kaysa sa Firefox, at mas stable kaysa sa Internet Explorer (na natalo na sa Browser Wars by this time).
Pero tapos na ang mga araw na iyon. Isa ako sa mga masigasig na naghintay sa paglabas ng Firefox 57, na tinawag na Firefox Quantum. Ayon sa Mozilla, dalawang beses itong mas mabilis kaysa sa mga naunang version ng Firefox, at nagre-require lang ng RAM na 30% na mas mababa kaysa sa Chrome. Ibig sabihin, puwede kang magbukas ng mas maraming tabs nang hindi bumabagal ang device mo. Mas mabilis ang mga Web apps at games sa Firefox, lalo na ang mga 3D games.
Open Source ang Firefox
Kapag sinabi nating open source, ibig sabihin bukas sa lahat ang source code ng Firefox, kaya lahat puwedeng tumingin dito, o mag-contribute pa nga para mas mapaganda ang browser. Ibig sabihin, kung may sinumang naglagay ng kahit anong source code na nagta-track, makikita ito ng lahat at puwede nila itong tanggalin.
May Pakialam sa Privacy ng Users Nito ang Firefox
Ang company/organization na nagme-maintain ng Firefox ay ang Mozilla. At ang Mozilla ay isang non-profit organization, at wala itong pakialam sa kung paano ka nagba-browse sa Web dahil hindi nito kailangang kumita sa pagtingin mo sa mga ads nila. Sa katunayan, noong 2014, nanawagan ang Mozilla ng tulong para ipakipaglaban ang privacy ng mga users nito.
Mas Marami kang Customization na Magagawa sa Firefox
May mga users na gusto lang gumamit ng browser. Pero kung kagaya kita, baka gusto mo ring i-customize kung ano ang hitsura ng browser mo dahil sa “art”. Kung gano’n, Firefox ang pinakamagandang browser para sa iyo. May marami itong themes na mapagpipilian. At kung hindi ka pa satisfied, puwede mo itong i-customize gamit ang CSS, na virtually ay walang limitasyon.
Web Developers: Use Firefox!
Maaaring hawak ng Chrome ang kalakhan ng World Wide Web, pero sa opinyon ko, mas maganda ang Firefox para sa pagde-develop ng mga Web site. Sa ngayon, ang Firefox lang ang may Grid Inspector, Flexbox Inspector, at iba pang mga features sa F12 DevTools nito. Dahil dito, mas madali mong magagamit ang mga bagong features ng Web platform. At kung hindi ka satisfied, palaging nandiyan ang mga third-party developer extension para sa Firefox.
Mas Healthy Ito Para sa Web
Ang lahat ng features ng World Wide Web ay pinagdedesisyunan ng W3C, partikular na ng mga working groups para sa HTML, CSS, at JavaScript. Dahil mas maraming users ang Google Chrome, may mga time na naglalabas sila ng bagong features na wala sa ibang browsers. Dahil dito, napipilitan ang ibang developers na gamitin ang feature kahit hindi ito gagana sa ibang browser. At sa katagalan kapag marami nang gumagamit nito, mapipilitan ang W3C na gawing official na feature ng Web platform ang feature na iyon ng Chrome para makasabay ang lahat ng iba pang browsers. Dahil dito, may kakayahan ang Chrome na diktahan ang direksyon ng World Wide Web.
Bukod pa riyan, ang karamihan sa browsers na gamit ng ilan sa atin, gaya ng Opera, Brave, Vivaldi, at Microsoft Edge, ay gumagamit ng mga parts mula sa Chromium. Ibig sabihin, hindi rin talaga sila ‘ibang’ browser dahil Chrome pa rin ang nagpapagana sa kanila behind the scenes.
Hindi ito maganda para sa Web, ang katangi-tanging produkto ng pagkakaisa ng sangkatauhan. Medyo korni pakinggan, pero totoo: ang World Wide Web ay produkto ng pagkakaisa ng mga tao mula sa lahat ng bansa at wika, at kailangan itong manatiling bukas sa lahat. Hindi dapat idikta ng iisang kompanya ang hinaharap nito dahil kahit pag-aari ito ng lahat, walang sinumang indibiduwal ang nagmamay-ari nito. Kung Firefox ang gagamitin mo, magiging mas ligtas ka sa paggamit ng Internet at puwede kang makatulong sa future ng World Wide Web. Kung mas maraming tao ang gagamit ng Firefox, mas magiging malaki ang impluwensya nito sa future ng Web platform at sa mga bagong features nito. Sa madaling salita, hindi na magiging kontrolado ng Google Chrome ang kalakhan ng World Wide Web.
Pero Huwag Mo Pa Ring I-uninstall Ang Chrome…
Kahit na lumipat ka na sa Firefox, kakailanganin mo pa rin ang Chrome—iyan ang nakakalungkot na balita. Kung gumagamit ka ng Chromecast streaming, hindi iyan gagana sa Firefox (pero dahil Google product ang Chromecast, ano pa bang aasahan mo?). Isa pa, maraming Web sites ang nagde-develop ng mga features nila na sa Chrome lang gumagana. At kahit na dine-dev shame* na sila, maaasahan nating magtatagal pa rin sila.
Ready ka na bang lumipat?
Kung oo, puwede mo nang i-download ang Firefox browser para sa Mac, Windows PC, o Linux. Puwede mong sundin ang guide na ito para maging madali at mabilis ang paglipat mo galing sa Google Chrome: Switching From Chrome: How to Make Firefox Feel Like Home
Footnotes
- [^] US Ad Spending: eMarketer’s Updated Estimates and Forecast for 2017.
- [^] Online Advertising And Hidden Hazards To Consumer Security And Data Privacy.
- [^]
Dev Shame—isang term na ako (yata) ang nag-coin. Tumutukoy ito sa pagko-call out ng mga developer sa ibang mga developer at Web sites na nagde-develop ng sites nila para lang sa isang browser.
Further Reading
- 7 Reasons to Switch From Google Chrome to Firefox. MakeUseOf, January 22, 2019
- Help us fight for privacy. about:community by Mozilla, January 24, 2014
- Now is the time to switch back to Firefox. ZDNet, April 22, 2014
- The New Fast Browser for Mac, PC, and Linux | Firefox
- Introducing the New Firefox Quantum. The Mozilla Blog, November 14, 2017